Skip to main content

LGU-SUYO, AAGAPAY SA MGA MAGSASAKA SA PAGBENTA NG KANILANG MGA PRODUKTO SA KASAGSAGAN NG ECQ


Sa nakaraang pagpupulong ng mga punong barangay at ni Mayor Mario Subagan, naidulog dito ang mga produktong posibleng maapektuhan kung hindi ito maibebenta kaagad sanhi ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Kabilang rito ang mga produkto nilang kamote at Sampaguita. Nasa panahon kasi ng anihan ng mga kamote mula sa mga mas matataas na lugar dito at kailangang maibiahe pa patungong mga karatig bayan.
Habang ang Sampaguita naman ay mayroon lamang kaunting panahon bago masira. Pagkapitas nito at gawing kuwintas o pangdekorasyon ay inilalagay pa ito sa ice box bago ibenta upang mas humaba ng kaunti ang pagkapreserba. Karaniwang bagsakan ang Sta. Maria Ilocos Sur at iba pang karatig bayan.
Ngunit ayon sa alkalde, tutulong ang lokal na pamahalaan upang maibaba at maibiahe ang mga produkto sa pinakamabilis na panahon patungong bagsakan.
Patuloy din ang kanilang gagawing pakikipag ugnayan sa mga magsasaka at mga buyers para hindi masira ang mga produkto.
Dagdag din ni Subagan, na tutulong ang LGU sa pagbili sa mga produkto ng kanilang mga kababayan at ito rin ang kanilang ipamumudmod bilang dagdag ayuda sa panahon ng ecq.
Samantala, ang mga Sampaguita na hindi maibebenta sa labas ay gagawin na lang Sampaguita extract na sangkap sa pabango na isa rin sa programa ng lokal na pamahalaan.
Ang ecq ay magtatapos sa Oktubre sais alin sunod sa pinakahuling deklarasyon ng pamahalaang panlalawigan.#
Larawan ni Michael P Escobar

Skip to content